SAPOT NG BUHAY. Lahat tayo magkakaugnay. By Marne Kilates

February 12, 2021 5:37 pm

Sa Masungi Georeserve, sa kalagitnaan ng mga kuweba at bato ng mga limestone karst formation, masarap at makahulugan ang hamon ng kalikasan. Magpatalbog-talbog sa mga lubid at netting, tumulay sa itaas ng kakahuyan. O alahanin, habang nage-enjoy, ang pagkakaugnay-ugnay ng ating buhay.

Ikaw at ako ay karugtong ng sapot na lubid. Magmula sa mga ugat ng puno at halaman, hanggang sa pagkapit at pagkaipon ng tubig sa watershed na dulot ng mga bato at puno, tayo ay magkakarugtong, magkakaugnay. Nakikinabang tayo sa  malinis na hangin at prutas, sa mga ugat at gulay mula sa mga puno, at lalo na sa pagkaipon ng tubig sa watershed.

Imbakan ng ulan

Ang mga bundok na limestone ng Masungi ay imbakan ng tubig galing sa ulan. Kaya ang tawag dito ay watershed. Ang Upper Marikina Watershed. Kung wala na ang mga puno at kanilang mga ugat, walang pipigil sa tubig at baha na raragasa sa Metro Manila. Tulad ng nangyari sa mga bagyong Ondoy at Ulysses. Dahil marami nang kalbo sa kabundukan, walang pumigil sa tubig at baha.

Kinilala na sa buong mundo at ginawaran ng mga papuri ang Masungi. Kasama rito ang pagiging Exploration Grantee ng National Geographic Society, at ang pagiging Model for Man-Nature Interaction ng World Conservation Congress. Nagawaran na ang Masungi ng Pathfinder Award ng Innovations for Conservation Financing & Resourcing, mula sa IUCN, UNDP, WildArk, at naging finalist ito sa United Nations World Tourism Organization at Destination Stewardship ng Tourism for Tomorrow Award ng World Tourism Council.

Lahat ng ito ay pagkilala sa maraming gawain at tunguhin ng Masungi Georeserve, tulad ng forest recovery at tree-planting, pagmantini ng bundok at watershed, at pangkalahatang environmental tourism.

Kailangan ang ating malasakit sa kalikasan

Samantala, nariyan pa rin ang banta ng mga vested interest—ang land-grabbers at quarry operators at ang kanilang paninira sa Masungi sa pamamagitan ng misinformation sa social media. Dagdag pa rito ang walang-pakialam at pabayang gobiyerno natin. Ngunit hindi  sumusuko ang Masungi. Mas marami ang kuwento ng kabutihang nagagawa nito. Mas matindi ang matalas ang armas ng Masungi: ang katotohanan.

Hindi rin katakataka na mabahala ang mga nagmamahal at may malasakit sa kalikasan, ang  mga may pagtingin sa kapaligiran, sa paninirang ito sa Masungi. Kaya marami na sa kanila ang nagkakaisa at nagkakapit-bisig upang ipagtanggol ang Masungi. Magkakabalikat nilang pakakaingatan ang mga bundok at kagubatan na nagisilibing watershed sa silangan ng Maynila. Nagkakaisa silang mamahalin at tumulong sa tamang pagmantini ng watershed upang hindi nito pakawalan ang bahang raragasa sa kapatagan ng Metro Manila.

Ganito natin nakikita ang ating pagkakaugnay-ugnay. Ang pangalagaan ang bundok at kagubatan na bilang watershed ay siya namang nangangalaga sa ating kapakanan sa kapatagan.

Tulad ng makikita at mararanasan natin sa Masungi Georeseve, iisa at magkakarugtong ang sapot ng ating buhay. Kaya kailangan natin itong pakaingatan at pairalin upang huwag mabaha, mapinsala, masira ang ating mga bahay, buhay, at kabuhayan.

#     #     #

Marne Kilates/1-21-2021

MARNE KILATES has published six books of poetry. His recent book Time’s Enchantment & Other Reflections (Ateneo de Naga University Press, 2014) won that year’s National Book Award, while his latest collection is Lyrical Objects (UST Publishing House, 2015), which was a finalist for the same award. He was named the first Poet of the Year in the Nick Joaquin Literary Awards of Philippines Graphic Magazine in 2013. He has also published numerous translations from Filipino into English, including works by National Artists Virgilio Almario and Bienvenido Lumbera. Kilates has won the Palanca Awards, National Book Awards, and the SEA WRITE Award of Thailand. In 2012 he was the holder of the Henry Lee Irwin Professorial Chair for Creative Writing at the Ateneo de Manila University. His other awards include the Bulawan na Bikolnon Award of Ateneo de Naga University, and the Outstanding Citizen of Albay in the Literary Arts. His latest recognition is the Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas for his poetry in English from the Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (Writers Union of the Philippines).